AdvocatesTV • Jun 17, 2020

Batikang aktres at ina ni Christopher de Leon na si Lilia Dizon, pumanaw na

Photo Credit: Christopher de Leon Instagram Account
MAYNILA -- Pumanaw na ang batikang aktres na si Lilia Dizon, ina ng aktor na si Christopher de Leon.

Sinasabing pumanaw ang aktres dahil sa kumplikasyon sa kanser sa baga nitong Lunes ng umaga sa edad na 92. 

Sa kanyang Instagram post nitong Martes, Hunyo 16, inalala ng aktor ang kanyang ina.

"Love you Ma❤️ from your only boy," ani Christopher sa caption ng kanyang post kung saan ibinahagi niya ang isang picture frame kung saan magkadikit ang kanilang mga larawan.

Sa kanya namang Instagram Stories post nitong Lunes, Hunyo 15, unang ipinaalam ng kapatid ni Christopher na si Toni Abad ang pagpanaw ng ina.

"The angels are rejoicing! Mom is now worshipping our Lord Jesus Christ not by faith, but by sight. She is now with our father God in heaven. No more pain, no more tears, no more suffering. She left us at exactly 8:20 this morning (June 15). I'm posting this with much sorrow because I will miss her. I love you Mom! Rest In Peace in the hands of our creator," ani Toni.

Claire Strauss sa totoong buhay, si Dizon ay sumikat noong dekada 50 sa mga pelikula na ginawa ng LVN Pictures tulad na lamang ng "Sanda Wong," "Bathaluman," at "Kandilerong Pilak" noong 1954 kung saan nagwagi siya bilang Asia's Best Actress o Pinakamahusay na Aktres sa Asya.

Nakatambal din ni Dizon ang ilan sa mga sikat na aktor noon tulad nina Pancho Magalona at Leopoldo Salcedo.

Siya ay unang ikinasal sa aktor at direktor na si Gil de Leon ang ama nina Christopher, Pinky at Melissa.

Si Antonio Abad naman ang naging pangalawang asawa ni Dizon kung saan ang mga naging anak nilang babae ay sina Corrie at Toni.
 
Taong 2007 nang huling lumabas sa pelikula si Dizon bilang parte ng “Paraiso: Tatlong Kwento ng Pag-asa.”

Share by: